Thu, 19 Sep 2019

Tagalog News: Muling pagpaparami ng kawayan sa Bulacan, isinusulong

Philippine Information Agency
11 Sep 2019, 22:38 GMT+10

Ito ang arko ng kinayas na kawayan na tinatawag na Singkaban. Itinatayo ito sa bukana ng isang barangay o barrio na nagdiriwang ng pista bilang pansalubong sa mga namimiyesta. (Shane F. Velasco/PIA 3)

LUNGSOD NG MALOLOS, Setyembre 11 (PIA) -- Isinusulong ang muling pagpaparami ng mga tanim na kawayan sa Bulacan.

Nagiging limitado na kasi ang pinagkukuhanan ng buho upang gawing Singkaban na arko ng kinayas na kawayan na itinatayo sa bukana ng isang barangay o barrio na nagdiriwang ng isang pista.

Kaya naman sa pagbubukas ng Singkaban Festival 2019, nagpahayag ng suporta si Senador Cynthia A. Villar na maparami ang mga tanim na kawayan sa Bulacan.

Aniya, bukod sa magagamit ito sa paggawa ng mga Singkaban ay maaring mapagkuhanan ng kabuhayan mula sa iba't ibang paggagamitan gaya ng tradisyunal na Parol.

Ayon naman kay Department of Trade and Industry Assistant Regional Director Zorina Aldana, magandang pagkakataon ito upang mapalawak sa Bulacan ang National Bamboo Program.

Sa kasalukuyan, walang naitatalang malawak na taniman ng kawayan sa Bulacan ngunit karaniwang matatagpuan ito na nakakumpol sa tabi ng mga ilog at sapa. Taong 2007 pa nang huling nagkaroon ng malawakang pagtatanim ng kawayan sa Bulacan.

Kaugnay nito, tiniyak ni Gobernador Daniel R. Fernando na magiging prayoridad ito ng kanyang bagong administrasyon lalo nang kasama ito sa kanyang People's Agenda 10 na nasa ikawalong punto na "Mabiyayang Kalikasan at Malinis na Kapaligiran." (CLJD/SFV-PIA 3)

More North America News

Access More

Sign up for North America News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!